School calendar shift, aprubado na ni PBBM

Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng orihinal na school calendar sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa susunod na taon.

Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng orihinal na school calendar sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa susunod na taon.

Simula sa school year 2024-2025, magsisimula ang mga klase sa Hulyo 29 ngayong taon at magtatapos sa Abril 15, 2025.

Sa sectoral meeting noong Martes kasama si DepEd Sec at VP Sara Duterte, naglatag ng dalawang opsyon ang DepEd para sa school calendar shift.

Ang unang opsyon ay 180 araw ng pasukan na may 15 Sabado na may in-person classes. Pangalawa, 165 araw ng pasukan na walang in-person classes tuwing Sabado.

Parehong magtatapos ang school year sa Marso 31, 2025.

Pero ayon kay Pangulong Marcos, “masyadong maikli” ang 165-araw na kalendaryo dahil mababawasan ang araw ng pakikipag-ugnayan ng mga mag-aaral at guro, na maaaring makompromiso ang kalidad ng pag-aaral.

Hindi rin nais ni Pangulong Marcos na pumasok ang mga estudyante tuwing Sabado para kumpletuhin ang 180-araw na klase.

Sa halip na magtapos sa Marso 31, 2025, inatasan ng pangulo ang DepEd na ayusin ang school year upang matapos sa Abril 15, 2025. Sa ganitong paraan, makukumpleto ng mga estudyante ang 180 araw nang hindi pumapasok tuwing Sabado.