Scam alert! Publiko, pinag-iingat sa kumakalat na email na may pangalan ni Budget Secretary Pangandaman

Hindi kailan man gagamit ang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) ng hindi secure at hindi beripikadong email address, ayon sa kagawaran.

Nagbabala ang Department of Budget and Management (DBM) sa publiko laban sa mga indibidwal o mga grupong gumagamit ng hindi beripikadong email address na nakapangalan kay Secretary Amenah Pangandaman.

Ayon sa DBM, iniulat lang sa kanila ngayong Huwebes, Oktubre 5, ang kumakalat na email address na amenahfpangandaman@gmail.com na nagpapakilala na gamit ng kalihim.

“Secretary Pangandaman will never use an unsecure and unverified email address to contact anyone for anything,” sinabi ng DBM sa isang pahayag.

Inalerto na rin ng kagawaran ang mga awtoridad upang magsiyasat sa iligal na aktibidad.

“We shall exert all efforts, within the fullest extent of the law, to identify, apprehend, and file the appropriate charges against these deceitful individuals and groups,” ayon sa kagawaran.

Hinikayat rin ng DBM ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyon na natatanggap nito. Sakaling maka-engkwentro nila ang email address, o mga taong nagpapakilalang kinatawan ng ahensya o ng kalihim, maaaring tumawag sa (02) 8657-3300.