Sayang lang tuition sa inyo! Malalaswang ‘dare’ ng school orgs, iniimbestigahan na ng UP

Kamakailan lang ay lumabas sa X (dating Twitter) ang mga "dare" na ipinagagawa diumano ng dalawang organisasyon sa University of the Philippines sa mga kasapi nito.

Iniimbestigahan na ng pamunuan ng University of the Philippines (UP) ang mga “inappropriate” na pinagagawa ng ibang mga organisasyon sa unibersidad sa mga gustong sumali.

Partikular na iniimbestigahan ng UP Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA) kung nilalabag ba ng mga naturang aktibidad ang mga patakaran ng unibersidad at kung na-kompromiso nito ang kaligtasan ng mga miyembro ng UP community.

“Acts that jeopardize our safe spaces are never condoned,” sabi ng OVCSA sa isang pahayag.

Bagaman hindi pinangalanan ng OVCSA ang mga sangkot na organisasyon, matatandaan namang may mga screenshots na lumabas sa X (dating Twitter) ng mga diumano’y tasks or dare na pinapagawa ng UP Junior Marketing Association (JMA) at UP Economics Society (Ecosoc) sa mga miyembro nito.

Kabilang sa mga ito ay ang pagtakbo sa isang pampublikong lugar na naka-underwear lamang at pag hawak sa dibdib ng nanay o lola.

Hindi naman pinabulaanan ng JMA ang mga naturang dare, na anila’y parte ng “committee wars.”