Sapilitang paglikas mula sa Gaza City, ipinagutos sa mga Pilipino-DFA

Inaasahan nang puputok ang pagsiklab pa ng mas malaking gulo sa Gaza City dahil pinaniniwalaang susugod na ang tropa ng Israel para tugisin ang Hamas.

Ipinagutos ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sapilitang paglikas ng lahat ng Pilipino mula sa Gaza matapos uminit pa ang tensyon ng lugar.

Itinaas na sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Gaza City dahil inaasahan ang pagsugod ng pwersa ng Israel para tugisin ang mga militanteng Hamas, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega.

Ayon sa opisyal, tutulungan ang mga Pilipinong lilikas ng Gaza na makatawid papuntang Egypt.

Sa ilalim ng Alert Level 4, mayroong inaasahan na malawakang kaguluhan na mapanganib sa mga Pilipino kaya sapilitan na ang paglikas sa lugar.

Itinaas ng gobyerno noong nakalipas na linggo sa Alert Level 3 na nagtatakda ng boluntaryong paglikas sa Gaza City.