Sapat dapat! PBBM, inaayos ang sistema sa pag-distribute ng bigas; inaasahan bababa pa ang presyo nito

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may sapat namang supply ang bansa, subalit hindi ito nailalabas ng tama.

Sapat ang supply ang ng bigas sa bansa, ngunit kailangang ayusin ang sistema ng pagbabahagi nito para makaabot sa lahat ng mamamayan, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ang sinabi ng pangulo sa kanyang talumpati sa University of Saint Anthony sa Iriga, Camarines Sur nitong Sabado, Setyembre 23. Pinangunahan rin niya rito ang pamimigay ng sako-sakong bigas sa mga pamilyang indigent at indigenous. Ang nasabing bigas ay nagkakahalaga ng halos P2.5 milyon.

“Marami naman tayong bigas, hindi lang nailalabas nang tama. Kaya’t hindi problema ang supply sa atin dito sa Pilipinas,” pahayag ng pangulo.

“Sabi ng Department of Agriculture ay mas malaki ang ani natin ngayon taon na ito kaysa sa nakaraan kaya’t sa production side naman ay nagiging maayos. Ngunit, kailangan natin ayusin ang sistema mula sa pagtatanim, mula sa pag-research and development, hanggang sa processing, hanggang sa distribution, marketing, hanggang sa retail,” dagdag ng Pangulo.

Gayunpaman, inamin ni Pangulong Marcos na hindi pa sapat ang mga hakbangin ng pamahalaan upang mapababa ang presyo ng bigas. Inamin rin ng pangulo na kailangang ayusin ang agriculture sector ng bansa.

“Sa palagay ko, pagpasok ng ani, dahil papasok na, nag-aani na tayo at pagpasok niyan, sa palagay ko makikita na natin na bababa ‘yung presyo,” ayon sa Pangulo.

“Market forces. Baka kung ‘yung merkado mismo ang bumababa na ang presyo, pwede na nating bawasan ‘yung mga kontrol na nilagay natin,” dagdag pa niya.