Sana walang kriminal na nakalusot! 60,000 katao dumarating sa Pilipinas kada araw ngayong Disyembre—BI

Para mas mabilis makatawid sa mga immigration clearance, maaaring gamitin ng mga dumarating na Pilipino ang e-gates. Pinaalalahanan rin ang mga pasaherong darating na magrehistro sa etravel.gov.ph na hindi bababa sa 72 hours bago dumating o umalis ng bansa.

Umabot sa halos 60,000 katao ang dumarating sa buong Pilipinas araw-araw ngayong buwan ng Disyembre, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Sa huling tala ng kawanihan, sumipa sa halos 60,000 katao ang arawang pasok ng mga tao mula sa iba’t ibang ports of entry ng bansa sa tinaguriang Christmas week, mula sa 50,000 katao na dumarating araw-araw simula ng unang lingo ng Disyembre, sinabi ng BI sa huli nitong ulat Lunes, Disyembre 25.

Lampas 85% ng mga arrivals ay pumasok sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport, ani Immigration Commissioner Norman Tansingco.

Sinabi pa ng opisyal na noong Disyembre 23, umabot sa 31,408 departures mula Pilipinas ang naitala ng kawanihan, mas mataas sa 25,759 departures na naitala noong unang araw ng buwan, punto ni Tansingco.

Para mas mabilis makatawid sa mga immigration clearance, sinabi ng opisyal na maaaring gamitin ng mga dumarating na Pilipino ang e-gates. Pinaalalahanan rin niya ang mga pasaherong darating na magrehistro sa etravel.gov.ph na hindi bababa sa 72 hours bago dumating o umalis ng bansa.

“All hands on deck for our immigration officers. We commend our frontline personnel who remain on duty and sacrifice time with their families during the holidays to be able to service the traveling public,” sinabi ni Tansingco sa isang pahayag.