Sana tao ang bantay at hindi robot! PNP: Cybercrime desks sa mga presinto tutugis sa mga scammer

Balak maglagay ng PNP ng mga cybercrime desks sa bawat police station sa bansa para mas matugunan ng kapulisan ang dumaraming cybercrimes sa Pilipinas.

Sa harap nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng cybercrime sa bansa, maglalagay na ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ng cybercrime desks sa bawat presinto at estasyon sa bansa.

Sinabi ni PNP-ACG spokesperson Capt. Michelle Sabino sa isang Kapihan sa Manila Bay media forum nitong Miyerkules, Setyembre 20, na sasailam sa training ang mga police investigators na maitatalaga sa mga cybercrime desks.

Ayon rin kay Sabino, target ng PNP-ACG na maglagay ng dalawang cybercrime desks sa bawat police station.

Dagdag pa niya, mas makakapag-focus ang grupo sa mga major operations nito sa oras na mailagay na ang mga cybercrime desks. Una nang sinabi ng PNP na gagawa ito ng mga hakbang upang tugunan ang lumalalang cybercrime problem sa bansa.

Sa katunayan, nakapagtala ang PNP-ACG ng higit 16,000 na kaso ng cybercrime mula Enero hanggang Agosto nitong taon.