Sana nga hindi sinadya: Bangka ng mga mangingisdang Pilipino, tinamaan ng barko ng China

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), limang mangingisda ang nasagip ng PCG matapos ang insidente, kung saan tinamaan ng MV TAI HANG 8 ang FBCA Ruel J.

Tinamaan ng isang bulk carrier vessel ng China ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda sa katubigan malapit sa Paluan, Occidental Mindoro.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes, Disyembre 7, limang mangingisda ang nasagip ng PCG matapos ang insidente, kung saan tinamaan ng MV TAI HANG 8 ang FBCA Ruel J bandang 4 p.m. ng hapon noong Martes, Disyembre 5.

“Per accounts from the survivors, the boat was lying in Paluan waters attached to a ‘payao,’” sabi ng PCG sa ulat nito.

Ang payao ay isang uri ng panghuli ng isda na karaniwang ginagamit ng mga mangingisda.

“The ill-fated fishing banca Ruel J and its crew, alleged reportedly hit by MV TAI HANG 8, and was said to be left adrift as the foreign vessel continued its voyage unknowingly,” dagdag pa ng PCG.

Ang mga nasagip na mangingisda ay kinilala bilang sina Junrey Sardan, Ryan Jay Daus, Bryan Pangatungam, Cristian Arizala, at Joshua Barbas. Nakatanggap sila ng paunang lunas mula sa lokal na pamahalaan.

Pinayuhan na rin ang may-ari ng nabanggang bangka na mag-file ng maritime protest.