Sana ligtas pa sila! 10 Pilipino sa Gaza, hindi pa rin ma-kontak ng embahada–DFA

Ligtas naman ang lahat ng 126 na Pilipino, ngunit limitado na ang kanilang supply ng pagkain at tubig, ayon sa opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Hindi pa rin ma-kontak ang 10 Pilipinong namamalagi sa Gaza Strip simula noong nakaraang Biyernes, Oktubre 27, nang putulin ng Israel ang mga linya ng komunikasyon doon at lumusob ang mga tropa nila, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa isang panayam, sinabi ni Foreign Undersecretary Eduardo de Vega na tanging 126 sa kabuuang 136 na Pilipinong naninirahan sa Gaza ang natawagan ng mga kawani ng embahada.

“Ang situation sa Gaza iba po. Hindi maganda ang situation. There are 136 Filipino nationals sa Gaza. Meron na tayong contact muli sa 126. Sampu pa ang hindi pa natin maabutan, ma-contact simula nung mawala ang telecommunications originally noong Biyernes,” sinabi ni De Vega sa isang panayam sa telebisyon Miyerkules ng umaga, Nobyembre 1.

Ligtas naman ang lahat ng 126 na Pilipino, ngunit limitado na ang kanilang supply ng pagkain at tubig, ayon sa opisyal.

“May food supplies pa rin sila pero nagkukulang kaya kailangan sana makatawid na sila sa lalong madaling panahon,” ani De Vega, na tinutukoy ang Rafah border crossing patungong Egypt.

“Hindi naman sila nagugutom pero alam nilang kapag tumagal pa ‘to eh at saka hindi dumami ang papasok na humanitarian aid, ay baka magsimula nang magkaroon ng severe lack of water and food,” aniya.

Sinabi pa ni De Vega na may 57 na Pilipino sa labas ng Rafah border at naghihintay na lang ng hudyat kung kailan maaaring tumawid patungong Egypt.

Inamin ng opisyal na maraming Pilipino pa rin ang nagdadalawang isip lisanin ang Gaza.

“Marami talagang hindi tatawid kasi ang sinasabi ng mga Filipina na may asawang Palestinians, hindi sila tatawid kung hindi kasama ang asawa nila. Eh wala pang garentiya ang Egypt na tatanggap sila ng Palestinian nationals. Gusto nila ang mga sugatan lang,” paliwanag ni De Vega.