Sana all! Taas-sahod sa Cagayan Valley, Central Luzon, at SOCCSKSARGEN, aprubado ng DOLE

Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang dagdag sahod sa Cagayan Valley, Central Luzon, at SOCCSKSARGEN.

Magkakaroon ng pagtaas sa minimum wage sa Cagayan Valley, Central Luzon, at SOCCSKSARGEN matapos aprubahan ng mga wage boards ng mga naturang rehiyon ang mga petisyon na nakalagak sa kanila, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ipinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Martes, Setyembre 26 ang mga wage orders mula sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ng mga rehiyon, paliwanag ng DOLE sa isang anunsyo.

Magbebenepisyo ang 682,117 na manggagawa na sumasahod ng minimum wage sa Regions 2, 3 at 12 dahil sa naturang utos mula sa komisyon.

Samantala, tinatayang may karagdagang 1.5 milyon na full-time wage and salary workers ang maaaring magbenepisyo rin sa kautusan dahil sa tinatawag na wage distortion correction, o pagtaas ng antas ng sahod sa mga enterprise level.

Ipalilimbag ang mga naturang wage order ng Setyembre 30, at magsisimulang ipatupad ng Oktubre 16.

Sa Cagayan Valley, hinati ng RTWPB doon ang P30 na increase sa minimum wage: Sa Oktubre 16 ang unang P15, habang ipatutupad sa Abril 1, 2024 ang natitirang bahagi. Itinaas rin ng RTWPB ng P500 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa P5,500.

Sa Central Luzon, iginawad ng RTWPB doon ang P40 na dagdag sa minimum wage para sa mga manggagawa sa agricultural, non-agricultural, at retail/service establishments.

Magreresulta itong taas-sahod sa mga probinsya ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, and Zambales sa P493 hanggang P500 para sa mga manggagawa sa non-agricultural establishments; P454 hanggang P470 para sa mga manggagawa sa mga agricultural establishments, at P475 hanggang P489 para sa mga manggagawa sa retail at service sectors.

Samantala, ang panibagong minimum wage sa Aurora ay P449 para sa mga manggagawa sa non-agricultural establishment; P422 hanggang P434 para sa mga manggagawa sa agricultural establishment, at P384 para sa mga manggagawa sa retail at service sectors.

Sa SOCCSKSARGEN naman, P35 ang itataas ng antas ng minimum wage para sa non-agriculture, agriculture, and service or retail establishments, at ibibigay ito ng dalawang tranche: P22 sa Oktubre, at P13 sa Enero 1, 2024

Nagbigay rin ng karagdagang P500 increase sa buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon. Magiging P5,000 na ang minimum wage ng mga kasambahay sa mga lungsod at first-class municipalities sa rehiyon, habang P4,500 naman sa iba pang mga bayan.