Salamat daw, sabi ng mga pulis! Lalaki, binitbit ang kapitbahay sa presinto matapos nitong nakawin ang rim ng motor sa Maynila

Nakita ng isang lalaki sa mga kuha ng CCTV kung paano nakawin ng kapitbahay niya mismo ang rim ng kaniyang motorsiklo. Aniya, ilang beses nang ginagawa ito ng suspek, kaya siya na mismo ang umaresto rito.

Inilagay na ng isang lalaki sa Santa Cruz, Manila ang batas sa sarili nitong kamay nitong Martes ng madaling araw, Enero 23, matapos siyang muling manakawan.

Lumalabas sa imbestigasyon na ilang beses nang nananakawan ng rim ng motor si Jonard Valencia ng Oroquieta Street sa Barangay 366. Kaya naman napuno na ito at pinanood ang mga kuha ng CCTV sa bahay nito.

Dito na niya nakita kung paano kunin ng isang Janric Concepcion ang rim ng motorsiklo niya. Huli rin sa video kung paano bitbitin ng suspek palabas ng eskinita ang set ng rim.

Nagkataon namang kilala ni Valencia si Concepcion dahil magkapitbahay sila.

Ayon sa kaniya, ilang beses na itong ginawa ng suspek, kaya hinanap niya na ito at siya na mismo ang umaresto sa bisa ng isang citizen’s arrest.