Salamat at ligtas sila! 2 Pinoy na doktor, nakatawid mula Gaza patungong Egypt–DFA

Ligtas at kumpirmado na rin ng embahada ang kalagayan nga 136 na Pilipinong nasa Gaza City matapos manumbalik ang komunikasyon sa lugar, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Dalawang Pilipinong doktor na miyembro ng isang international humanitarian aid agency ang nakatawid na mula Gaza patungong Egypt, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Kinilala ang mga doktor na sina Darwin dela Cruz at Regidor Esguerra, mga volunteer mula sa Doctors Without Borders, at ligtas na sila sa Egypt, ayon kay Foreign Undersecretary Eduardo de Vega.

Pinakita ng DFA ang litrato ng mga doktor kung saan makikitang nakangiti ang mga ito at nasa magandang kalagayan.

Ayon sa mga doktor, natagalan sila sa border habang pinoproseso ang pag-alis nila ng Gaza.

Nagtungo ang mga doktor sa el-Arish sa Egypt, na nasa 30 kilometro mula Gaza, kasama ang ibang mga foreigner. Mula doon, lilipat na sila patungong Cairo.

Dahil mga volunteer sila ng Doctors Without Borders, sasagutin na ng kanilang organisasyon ang pag-alis mula Egypt.

Kabilang ang mga doktor sa 136 na Pilipino na minamatyagan ng embahada sa Gaza.

Patuloy pa rin nakikipag-usap ang Pilipinas sa mga awtoridad sa Israel na isama ang mga Pilipino sa mga mauunang makaalis ng Gaza matapos buksan ang Rafah Crossing.

“We are engaging with Israel to prioritize Filipinos among nationalities to be first allowed exit. Right now, they are prioritizing members of international organizations,” ani De Vega.

Natukoy na rin ng embahada ang lahat ng 136 na Pilipino sa Gaza matapos mawalan ng contact sa kanila noong nakalipas na linggo.

“Telecommunications are back. So far no injured,” aniya.