Salamat at ligtas ang mga kabayan! 2 OFW na nakaligtas sa kamay ng Hamas, ipinakilala kay PBBM

Inimbitahan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sina Jimmy Pacheco at Camille Jesalva para makausap ng personal at kumustahin ang kanilang kalagayan matapos maging kabilang sa mga hostage ng rebeldeng grupo habang nagtatrabaho sa Israel.

Humarap kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na nakaligtas sa paglusob ng rebeldeng Hamas sa Israel noong Oktubre.

Inimbitahan ng Pangulong Marcos sina Jimmy Pacheco at Camille Jesalva para makausap ng personal at kumustahin ang kanilang kalagayan matapos maging kabilang sa mga hostage ng rebeldeng grupo habang nagtatrabaho sa Israel.

Ikinuwento ni Pacheco ang kanyang karanasan sa pangulo, kabilang ang sinapit niya habang bihag ng mga rebeldeng Hamas. Kwento ni Pacheco, nakaligtas ang mga bihag sa pamamagitan ng paglipat ng pwesto at pagkain ng rasyon.

Tumagal si Pacheco ng higit na 40 araw sa poder ng mga Hamas bago ito pinalaya.

Nakarating si Pacheco sa Pilipinas noong Disyembre 18.

Naging tanyag naman sa lipunan ng Israel si Jesalva nang hindi niya iniwan ang kanyang 95-na-taong alaga sa gitna ng paglusob ng Hamas.

Binayaran ni Jesalva ang mga rebeldeng Hamas na sumugod sa kanilang bahay gamit ang perang inipon niya sana para makauwi ng Pilipinas ngayong Pasko.

Niligtas si Jesalva at ang kanyang alaga ng mga tropa ng Israel Defense Forces (IDF).

Sinabi ng Pangulo na nagalak siyang makilala ang dalawang bayaning OFW na ipinamalas ang galing at husay ng mga Pilipino sa gitna ng panganib at peligro.

“Eh di at least nakauwi kayo, tsaka Merry Christmas. Napakabigat naman nung experience niyo. Isulat ninyo o i-video ninyo,” sinabi ng Pangulo kina Pacheco at Jesalva.

“Dapat gawin nating lahat nung mga… lahat ng repatriate. Ikuwento sila, para malaman ng tao kung ano ‘yung pinagdaanan nila. ‘Yung Israeli, mahal naman tayo e,” aniya.