Kaso laban sa mga nagmanipula ng presyo ng sibuyas, ikinakasa na ng DOJ

Magsasampa ng reklamong hoarding at profiteering ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa anim na indibidwal, kabilang ang ilang opisyal ng gobyerno, kaugnay sa pagmamanipula sa presyo ng sibuyas noong nakalipas na taon.

Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsampa ng kaso laban sa mga indibidwal, kabilang ang ilang opisyal ng gobyerno, kaugnay sa pagmamanipula ng presyo ng sibuyas noong 2022.

Sa isang pulong balitaan, tumanggi si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pangalanan ang mga sangkot sa hoarding at profiteering ng sibuyas upang hindi mapanguhanan ang imbestigasyon ng fiscal.

“Kasama ang mga opisyal sa gobyerno dito sapagkat ang tingin namin sila po ay talagang lumalabas na may sala sa pagkakataong ito,” ayon kay Remulla.

“This is just the beginning of the cases to be filed. This is for hoarding and profiteering. Matatandaan na umabot ng P750 per kilo ang sibuyas. Ito na ngayon ang simula ng reklamo laban sa mga tao na kasabwat sa pagtataas ng presyo ng sibuyas,” ani Remulla.

“Hanggang economic sabotage ‘yan. Pero ito hoarding, profiteering and price manipulation,” dagdag pa niya.

Ayon kay Remulla, ang pagsampa ng reklamo ay bahagi ng tugon ng ahensya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tugisin ang mga nagdulot ng mataas na presyo sa sibuyas.

“There will be other cases that will be filed by the DOJ up to the point of economic sabotage kapag natapos namin pa ‘yung ibang facts, ‘yung ibang case build up, ‘yung data na ma-evaluate namin,” ani Remulla.

“We’re talking about truck loads and truck loads of documents that have to be evaluated by our staff to be able to do a case build-up for this purpose. Hopefully, this is just the beginning of the cases to be filed,” dagdag pa ng kalihim.