Sagot sa kahirapan: Free education makakatulong sa poverty alleviation ayon sa mambabatas

Ayon kay Northern Samar Rep. Paul Daza, dapat i-prioritize ng gobyerno ang mga mahihirap sa pagbibigay ng libreng edukasyon dahil ito ang mag-aahon sa kanilang sitwasyon.

Nanindigan sa isang pahayag si Northern Samar Rep. Paul Daza na pro-poor ang ibinibigay na free college education ng pamahalaan.

Subalit ani Daza, dapat tiyakin ang equity-based access kung saan bibigyang prayoridad ng pamahalaan ang mga maralitang mamamayan.

Ang pahayag ay pagtugon nito sa panukala ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno na suriin ang Universal Access to Quality Tertiary Education Law (Republic Act No. 10931) upang matiyak na optimally allocated” ang mga resources para sa free college education.

Dagdag pa ni Daza, hindi batas ang problema dahil malaki ang maaaring maging papel nito upang maibsan ang kahirapan sa bansa.

Iminungkahi rin niya na matutugunan ng priority treatment para sa mahihirap ang matagal ng diskriminasyon sa mga entrance exams sa mga state universities and colleges kung saan mas mataas na score ang nakukuha ng mga mag-aaral na galing private schools.

“What is needed is to ensure that those who genuinely qualify for free tertiary education, particularly, the poorest, are really the ones benefiting from it,” paliwanag ng mambabatas.

Nauna na rin binatikos ni Diokno na sayang lang ang nasabing free education, na siya naman kinontra ni Daza.