Sagot namin kayo! Kapakanan ng OFWs sa Middle East, prayoridad ni PBBM

Bukod sa pagkuha ng mga foreign investment sa Saudi Arabia, isinulong rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kapakanan ng mga OFW sa Middle East sa katatapos lang niyang foreign trip.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangangalagaan at po-proteksyunan ng pamahalaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa Middle East.

Sinabi ito ng pangulo sa kanyang talumpati nitong Sabado, Oktubre 21, sa kaniyang pagbabalik mula sa Riyadh, Saudi Arabia, kung saan dumalo siya sa unang Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit

“With the GCC countries home to more than 2 million hardworking Filipinos, I, of course, called for the safeguarding of their rights and of their welfare,” aniya.

Nakipagpulong rin ang pangulo sa mga miyembro ng Filipino community sa Saudi Arabia, at tiniyak niya sa mga ito na laging handa ang Pilipinas upang ibigay ang mga kailangan nilang tulong.

“I assured our kababayans of our continued support and assistance of the Philippine Government in the sacrifices that they have made for the country and for their families and that we will continue to support them in any way that they need,” sabi pa ni Marcos.