Sagot kayo ng kagawaran! Mga gurong naaksidente sa BSKE, sasagutin ng DepEd

Makakatanggap ng tulong ang mga guro na nadisgrasya habang nagsisilbi sa halalan mula sa Department of Education (DepEd), pagtiyak ng isang opisyal.

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na bibigyan ng ahensya ng sapat na tulong ang mga guro na na-aksidente sa nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ayon kay Undersecretary Michael Poa, nakapagtala ng limang aksidente sangkot ang mga guro na nagsisilbi bilang board of election inspectors noong Lunes, Oktubre 30.

Isang guro ang namatay sa Legazpi City, Albay matapos madisgrasya sa motorsiklo. Papunta ang guro sa kanyang presinto para bumoto.

Isang guro naman sa Pangasinan ang tinuklaw ng ahas habang naghahatid ng election paraphernalia, ayon pa kay Poa.

“The teacher now is under observation for 24 hours as advised by the doctors. But as to the expenses, it’s covered by the medical reimbursements of Comelec,” sinabi ng opisyal sa isang pulong balitaan.

Isa pang guro sa Davao City ang nagtamo ng bone fracture matapos ang isang disgrasya sa sasakyan.

“First, if this is election-related, the Comelec is there. If it’s not election-related, or if it’s election-related but would still require additional assistance, we have GSIS (Government Service Insurance System) personal accident insurance that we bought for our teachers,” ayon sa opisyal.