Sagot kayo ng gobyerno! Pamilya ng mga namatay na sundalo, pulis habang nasa serbisyo, hindi pababayaan ng gobyerno – PBBM

Nakatanggap ng iba’t ibang klaseng tulong ang mga naulilang pamilya ng sundalo at pulis na namatay habang nasa serbisyo mula mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ipinagutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na siguruhin ang maayos na pagpapatupad ng Comprehensive Social Benefits Program (CSBP), na gumagabay sa mga pamilya naulila ng mga namatay na pulis o sundalo habang nagsisilbi sa bayan.

“Ang mga tulong medikal, pinansiyal, pang-edukasyon, trabaho, pabahay, at iba pang mga social welfare assistance na kalakip ng CSBP ay nararapat lamang para sa inyo — sa mga pamilyang naulila ng mga magigiting nating kawal sa gitna ng labanan. Taos-pusong pakikiramay po sa mga pamilya na naiwan nila,” sinabi ng Pangulong Marcos na dumalo sa pagtitipon ng mga benepisyaryo ng CSBP sa Davao City ngayong Biyernes, Setyembre 29.

“Kung kaya naman, inaatasan ko ang mga kinauukulang ahensya na tiyakin ang maayos na implementasyon ng mga ito. Siguruhin ninyo na ang mga benepisyo ay mabilis na makakarating sa ating mga mamamayan. Sa pagsulong ng Bagong Pilipinas, lahat ng mga Pilipino ay uunlad at magiging katuwang sa transpormasyon na ito,” ani Pangulong Marcos.

Binigyan ng Pangulo ng katiyakan ang mga naulilang pamilya na patuloy magbibigay ng suporta ang gobyerno sa kanila bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga pulis at sundalong nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa.

Pinangunahan ng Pangulo ang pagbahagi ng tulong mula sa gobyerno gaya ng special financial assistance, social welfare assistance, shelter assistance, health at medical care assistance, educational assistance, at employment assistance.