Sagot kayo ng gobyerno! Malaya Rice Project, tulong ni PBBM para sa marginalized sector –Romualdez

Magbibigay ng P1,500 ayuda ang gobyerno sa mga mahihirap, senior citizen, mga taong may kapansanan, mga solo parent, at mga katutubo bilang bahagi ng Malaya Rice Project.

Magpapaabot ng tulong pinansyal ang Kamara at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na mga araw upang matulungan kaagad ang mga mahihirap sa buong bansa dahil sa mahal na presyo ng bigas at iba pang mga bilihin.

Magsisimula ang tinaguriang “Malaya Rice Project” sa Metro Manila sa susunod na linggo. Ang mga makakatanggap ng ayuda ay magmumula sa sektor ng mahihirap, senior citizen, mga taong may kapansanan, mga solo parent, at mga katutubo.

“This is an initiative of the House and the DSWD para agad matulungan ang mga naghihikahos na mga kababayan natin habang inaayos ng pamahalaan ang long term solution sa kagutuman at mahal na bilihin,” ani House Speaker Martin Romualdez.

Halagang P1,500 cash ang matatanggap ng bawat benepisyaryo. Mula sa kabuuang halaga, P570 ang gagamiting pambili ng 15 kilo ng bigas sa P38 kada kilo. Ang natitirang P930 naman ay magagamit sa iba pang pangangailangan.

“Hindi titigil ang pamahalaan na tulu­ngan ang mga mahihirap sa mga panahon na ito dahil ­ngayon nila mas kailangan ng tulong,” ani Romualdez.

Magmumula ang mga benepisyaryo ng programa sa iba’t ibang distrito sa bansa na isusumite ng mga kongresista sa DSWD.