Sagot kayo ng gobyerno: DOJ, tutugunan ang mga pangangailangan ng mga inabuso ng SBSI

Sa gitna ng mga paratang nang pang-aabuso sa Socorro Bayanihan Services, Inc., tiniyak ni Justice Secretary Crispin Remulla na kumikilos na ang gobyerno para tulungan ang mga naabusong diumanong menor de edad.

Tiniyak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na tinutugunan na ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng 19 menor de edad na ginawa umanong “child wife” ng Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI).

Ayon kay Remulla, na nakipagpulong sa mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), pangunahing tinutugunan ng gobyerno ang malnutrisyon ng 19 na menor de edad.

“We have to look at it as a community with the aim of protecting children from certain practices na di dapat ginagawa. There are 19 children who are in common-law relationships. We are talking about teenagers 18 years and below who are common-law wives dun sa Socorro,” paliwanag ni Remulla sa press briefing.

Dagdag pa ni Remulla, nagpadala na ng mahigit 100 social workers and DSWD sa Socorro upang tulungan ang mga naabuso umano ng SBSI.

“Our end goal is to take care of these children. May mga lalake rin na tatlo who are in relationships with adults. A lot of the children are malnourished. Hindi maganda ang buhay but they have no other choice,” pahayag pa ni Remulla.