Sadya talagang mapaglaro ang buhay: Pulis, patay nang mabaril ang sarili sa ulo sa Negros Oriental

Patay ang isang police officer sa La Libertad, Negros Oriental nang aksidente nitong mabaril ang sarili habang inaayos lamang niya ang kaniyang rifle.

Hindi na umabot sa Bagong Taon ang isang pulis sa La Libertad, Negros Oriental dahil sa isang malagim na aksidente sa nasabing probinsya nito lang Sabado ng umaga, Disyembre 30.

Natagpuang patay ng La Libertad police si Staff Sgt. John Kelly Catedral sa isang daan sa Barangay Martillo dahil sa tama ng baril sa kaniyang mismong ulo.

Ayon sa mga testigo, nakasakay si Catedral sa kaniyang scooter ng huminto ito pansamantala sa daan upang ayusin ang kaniyang baril, na siya namang nakalagay sa stepboard ng motor.

Dito na nakarinig ng isang putok ng baril ang mga testigo, na nakita ring natumba mula sa kaniyang scooter si Catedral.

Na-recover ng mga rumespondeng pulis ang isang casing ng bala ng 5.56-caliber rifle sa ilalim ng scooter ni Catedral.