Sabi na kasing ‘wag subukan e! Vote-buying ng nagpakilalang empleyado ng Malabon City Hall, timbog ng awtoridad

Inaresto ng mga awtoridad ang isang babaeng namimili umano ng boto sa mga residente ng Malabon.

Arestado ang isang babae sa isang warehouse sa Barangay San Jose, Navotas City dahil umano sa vote-buying.

Naaresto ang suspek, na kinilalang si Maribel Policarpio ng Barangay Tugatog sa Malabon, na diumano’y caught in the act na namamahagi ng mga sobrang may lamang pera sa tinatayang 200 na botante ng Barangay Longos, sa Malabon rin.

Si Policarpio ay sinasabing dating empleyado ng Malabon City Hall—bagay na kinumpirma naman ng Lokal na Pamahalaan ng Malabon na pinamumunuan ni Jeannie Sandoval sa isang sa isang Facebook post ng Malabon City Government.

Gayunpaman, sinabi rin sa naturang post na Oktubre 13 pa “walang koneksyon sa lokal na pamahalaan” si Policarpio, at “ang anumang aksyon o transaksyon na ginawa ni Ms. Policarpio ay hindi kumakatawan sa Pamahalaang Lungsod, o sa namamahalang Administrasyon.”

Ayon sa pinagsanib na pwersa ng pulisya at Commission on Elections (Comelec), ang pagtitipon sa warehouse ay isang seminar kuno para sa mga watchers sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Nakumpiska sa operasyon ang halagang P363,900 at isang laptop na pag-aari diumano ng suspek.

Nasabat rin ang isang listahan ng mga botante na kasama ang kanilang mga contact number, photocopy ng kanilang ID, at ang kanilang presinto para sa BSKE.