Sabay o hindi sa 2025 elections: Comelec handa sa Cha-cha plebiscite

Handa umano ang Commission on Elections (Comelec) sa pagdaraos ng plebisito para sa Charter Change (Cha-cha) kahit anong petsa pa ito pumatak.

Handa umano ang Commission on Elections (Comelec) sa pagdaraos ng plebisito para sa Charter Change (Cha-cha) kahit anong petsa pa ito pumatak.

Ito ay kaugnay ng panukala na isabay ang nasabing plebisito sa 2025 elections upang makatipid ng pondo.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, handa ang ahensya kung ano man ang mapagdesisyunan hinggil dito.

“Kami po naman kung anong ipag-uutos talaga. Yun ang katotohanan. Kung anong sabihin ng Kongreso at mapagkasunduan ng Senate at House na dapat isabay (ang plebiscite at midterm elections ay) handang handa po ang Comelec. Yun po, walang gastos na dagdag yun. Sapagkat pahahabain lang ng konti yung balota,” saad ni Garcia ngayong Huwebes.

“Kaya lang ang sabi din po natin magandang mapag-aralan din sapagkat maganda rin na doon lang naka-focus itong mga kababayan natin sa issue ng pagbabago sa Saligang Batas. Saligang Batas kasi yan eh di naman ordinaryong batas din yan. Therefore, nandun din ang legal issue na huwag isabay,” aniya.

“Basta kami handang handa po ang inyong Komisyon whether separate siya o isabay, handa po kaming isagawa ang plebisito,” dagdag pa ni Garcia.

Sa ngayon ay pinag-aaralan ng pamahalaan kung isasabay ba o hindi ang Cha-cha plebiscite sa paparating halalan sa 2025. Maging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nakikitang mas makakatipid ang gobyerno kung pagsasabayin ang dalawang aktibidad.

Samantala, ang layunin ng naturang plebisito ay magkaroon ng pagbabago sa ilang economic provision ng 1987 Constitution.