Sa wakas, dumating na rin ang tulong! Ilang biktima sa Marawi siege mabibigyan na ng tulong

Noong 2017, sumiklab ang karahasan sa Marawi City nang paalisin ng militar ang mga terorista roon. Tumagal ang labanan ng limang buwan at sumira sa buhay ng maraming inosenteng sibilyan, na nawalan ng tirahan.

Anim na taon matapos ang tinaguriang Marawi siege, kung saan pinaalis ng miltar ang mga terorista sa siyudad ng Marawi, makatatanggap na sa wakas ang ibang mga biktima nito ng financial assistance na ipinangako sa kanila ng pamahalaan ni dating pangulo Rodrigo Duterte.

“Napakasaya po namin sa MCB (Marawi Compensation Board). Sa wakas, masisimulan na po naming magbigay ng compensation,” sambit ni MCB chair Maisara Dandamun-Latiph sa isang public briefing kung saan inanunsiyo ang magandang balita.

May kabuuang 362 na biktima ang makatatangggap ng financial assistance matapos na i-release na ng Department of Budget and Management (DBM) P1 bilyon para sa mga biktima. Makatatanggap ng P350,000 ang bawat pamilyang naulila dahil sa labanan sa Marawi.

Gayunpaman, wala pa sa kalahati ng 6,000 claimants ang mabibigyan ng tulong sa ilalim ng Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022, na nilagdaan ni Duterte noong nakaraang taon lamang.

Kaugnay nito, hinikayat ng MCB na mag-apply ang iba pang mga biktima hanggang Hulyo 3, 2024 upang maipila ang kanilang claim.