Sa presinto ka na magpaliwanag! Livestream ni Rendon Labador ng isang raid ng pulis, imbestigahan sa paglabag sa data privacy

Hindi na bago para kay sa sikat na social media personality na si Rendon Labador na masangkot sa kontrobersiya. Ngayon naman, maaaring ang kapulisan na mismo ang maghabla sa kanya.

Nasa gitna nanaman ng isang kontrobersiya ang self-confessed motivational speaker at social media personality na si Rendon Labador, na una nang tinanggal ng Facebook at Instagram dahil sa mga paglabag sa patakaran nito.

Ngayon naman ay iimbestigahan siya Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) dahil sa pag-livestream niya diumano nang isang raid sa isang online lending company sa Makati City noong Biyernes, Oktubre 20.

Sa isang pahayag, sinabi ng PNP-ACG na isinagawa ang naturang raid sa tulong ng Philippine Anti-Organized Crime Commission. Binigyan din aniya ang media at mga vloggers ng access sa operasyon, pero pagkatapos lamang nito.

“It’s important to clarify that media, including the renowned vlogger, Rendon, were allowed access only after the execution of the operation,” sabi ng PNP-ACG.

Gayunpaman, ni-livestream pa rin diumano ni Rendon ang aktuwal na operasyon sa Facebook Live, at sinabing “caught in the act” ang mga empleyado ng Golden Koi Lending Co. Inc., na umano’y nangha-harass sa mga indibidwal na hindi nakakapagbayad ng kanilang online loan.