Sa LTO ka na magpaliwanag! Driver na sangkot sa insidente ng road rage sa Cavite, tinutugis na

Pinagpapaliwanag na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng isang Honda CRV matapos itong masangkot sa insidente ng road rage sa Cavite na nakuhanan ng video ng mga umano'y biktima nito.

Binigyan na ng Land Transportation Office (LTO) ng show-cause order ang isa nanamang driver na sangkot sa road rage.

Ang viral video ng naturang road rage incident sa naganap sa Cavite ang naging basehan ng LTO-Region 4A para bigyan ng show-cause order ang sangkot na driver.

“You are directed to submit your response under oath within five days from the receipt hereof why no disciplinary action should be taken against you,” saad ng nasabing show-cause order.

Kita sa viral video ang isang Honda CRV na pasuray-suray sa isang public road upang tila harangan ang isang sasakyan. Ilang sandali pa, bumaba ang driver ng Honda CRV, na may plakang REN 123, para komprontahin ang driver ng sasakyang nasa likod nito. Maririnig rin sa video kung pano pagmumurahin ng driver pati ang mga pasahero ng nasabing sasakyan.

Ayon sa show-cause order, nahaharap ang driver sa kasong Reckless Driving sa ilalim ng Section 48, Article V ng Land Transportation and Traffic Code.