Sa banggaan ng mga astig, sino ang mananaig? Bong Revilla, pinagre-resign si Bong Nebrija ng MMDA dahil sa fake news

Nais ni Senador Bong Revilla na bawiin muna ang budget ng MMDA hangga’t hindi pa humaharap sa Senado si Col. Bong Nebrija ng MMDA.

Pinagbibitiw ni Senador Bong Revilla bilang Task Force Special Operations Unit Head ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Col. Bong Nebrija matapos nitong ibalita na nilabag ng senador ang patakaran sa paggamit ng EDSA carousel busway.

Nauna nang inanunsyo ni Nebrija na nahuli ng MMDA na ginagamit ng convoy ni Revilla ang busway, ngunit pinagbigyan na lamang ito dahil nakasakay raw diumano si Revilla sa isa sa mga sasakyan.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Revilla.

“There is absolutely no truth to the malicious report that I was apprehended using the EDSA carousel busway,” aniya sa isang pahayag.

Sa Kapihan sa Manila Bay ay humingi ng dispensa si Nebrija at nilinaw na hindi intensyon ng MMDA na ipahiya ang senador.

Hindi naman ito tinanggap ni Revilla, at bagkus ay hinamon si Nebrija na humarap sa Senado.

“Hindi ko ina-accept [ang paumanhin ni Nebrija]… I want to see that enforcer and Nebrija in the Senate… Unfair yan, kabastusan yan,” ani Revilla sa isang panayam sa DZBB.

Nais rin ni Revilla na bawiin muna ang budget ng MMDA hangga’t hindi pa humaharap si Nebrija.