Romualdez umapela: Suportahan Pilipinong mangingisda sa WPS!

Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez na magkaisa ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang suportahan ang mga mangingisda sa Panatag (Scarborough) Shoal sa West Philippine Sea (WPS) laban sa patuloy na pang-aabuso ng China sa lugar.

Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez na magkaisa ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang suportahan ang mga mangingisda sa Panatag (Scarborough) Shoal sa West Philippine Sea (WPS) laban sa patuloy na pang-aabuso ng China sa lugar.

Sa ginanap na pampublikong konsultasyon at pinagsamang pagdinig ng mga komite ng Kamara sa pambansang depensa at seguridad at WPS, binasa ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr. ang mensahe ni Romualdez para sa mga mangingisda at lokal na opisyal ng probinsya.

“Hindi kayo nag-iisa sa laban na ito. Kasama natin ang iba’t ibang sektor ng lipunan; nariyan po ang inyong mga Congressman na sina Representative Jefferson Khonghun at Representative Doris Maniquiz. Bukas po ang kanilang tangapan sa anumang agam-agam na nais nyong idulog sa kanila,” ayon sa pahayag ni Romualdez.

Dagdag pa niya, ang pagprotekta sa karapatan ng mga mangingisda at pagtiyak na mayroon silang ligtas na lugar upang makapangisda ay tungkulin ng bawat Pilipino.

Sa nakaraang pagdinig, nagpahayag ng kanilang mga pag-aalala at personal na karanasan sa pang-aabuso at pang-uusig ng Chinese Coast Guard sa Scarborough Shoal ang mga mangingisda mula sa dalawang bayan.

Bago ang pampublikong konsultasyon, sinabi ni Zambales 2nd District Rep. Doris Maniquiz sa mga mamamahayag nitong Huwebes na talagang naranasan ng mga mangingisda ng Masinloc at Sta. Cruz ang sunud-sunod na mga atake gamit ang water cannon mula sa CCG noong nakaraang linggo at noong Pebrero, ayon sa kanya.