Romualdez: Pulong kasama ang mga kumpanya ng langis, tutukoy sa mga paraan para pababain ang presyo nito

Pupulungin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga kumpanya ng langis para makahanap ng paraan para pababain ang presyo nito sa merkado.

Determinado si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na humanap ng mga solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo sa nakatakdang pulong kasama ang mga kumpanya ng petrolyo ngayong Lunes, Setyembre 18.

Sa isang pahayag, sinabi ni Romualdez na maaaring i-alok ng gobyerno ang pagrepaso sa pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

“On our part in the government, we can compromise … perhaps what we can initially offer is a possible review of excise tax or value-added tax on oil and petroleum products. This is a good place to start,” ani Romualdez.

Bukas rin si Romualdez sa mga suhestyon mula sa mga kumpanya kung may mga naiisip silang paraan para pababain pa ang presyong gasolina at krudo.

“We want to sit down with these oil companies and discuss ways or suggestions on how we can alleviate the hardships of our fellow countrymen due to the constant rise in petroleum prices, and find common ground in areas that are within our control,” ani Romualdez.

Kasama sa pulong ng Lunes ng umaga ang mga kinatawan ng mga kumpanya ng langis, mga opisyal ng Department of Finance, at mga miyembro ng Kamara, ayon kay Romualdez.