Romualdez pinasisilip resort sa Chocolate Hills

Aabot sa Kamara ang imbestigasyon tungkol sa natuklasang resort sa paanan ng Chocolate Hills sa Bohol.

Aabot sa Kamara ang imbestigasyon tungkol sa natuklasang resort sa paanan ng Chocolate Hills sa Bohol.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, maging si House Speaker Martin Romualdez ay tutol din sa pagtatayo ng Captain’s Peak Garden and Resort sa Chocolate Hills.

Kaya naman magsasagawa ng inquiry ang Kamara tungkol sa naturang resort.

“Hindi rin po nagustuhan ng House leadership po iyon. I’ve been communicating with the Speaker… napag-uusapan po at nasabi ko na po sa kanya, magpa-file po tayo ng inquiry regarding this matter,” sabi ni Tulfo.

“Hindi po nagustuhan po ng liderato iyon, kasi number one, iyon po ay dineklara ng National Heritage. Kahit ano pa hong palusot, daldal po ng daldal sa social media, iyong kanilang manager duon na si Ms. Sablay o Sablan, eh sinasabi niya hindi naman daw nila ginalaw iyong Chocolate Hills,” hirit pa ng mambabatas.

Pinasisilip din ni Romualdez kung saan kumuha ng permit ang pamunuan ng Captain’s Peak.

Sa imbestigasyon tungkol sa resort, ipapatawag ng Kamara ang mga tauhan ng local government unit sa Sagbayan, Bohol, gayundin ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources at ang Land Registration Authority.