Romualdez namigay ayuda sa mga magsasaka ng Agusan del Norte

Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga magsasaka sa Agusan del Norte.

Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga magsasaka sa Agusan del Norte.

Sa Facebook post, ibinahagi ni Romualdez ang kaganapan kung saan ilan sa mga magsasaka ang nakatanggap ng tulong sa ilalim ng programang Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) ng administrasyong Marcos.

Layon ng programang ito na matulungan ang mga magsasaka na maparami ang ani ng kanilang palay. Ito ay para na rin maparami ang buffer stock ng bigas sa bansa.

Ayon kay Romualdez, ang pamahalaan ay patuloy sa paggawa ng hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang bigas at iba pang bilihin.

“Kaisa po ninyo ang ating pamahalaan upang mapanatiling abot-kamay ng ating mga mamamayan ang bigas at iba pang mga pangunahing bilihin,” pahayag nito.

Dagdag pa ni Romualdez, ang pakikilahok ng mga magsasaka sa FARM program ay patunay lamang na nagkakaisa ang mga Pilipino.

“Ang paglahok ng ating mga magsasaka mula sa Agusan del Norte sa programang FARM ay patunay lamang na ang Pilipino ang pag-asa ng Bagong Pilipinas, ang adhikaing isinusulong ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr. Makakaasa po kayo ng patuloy at mas pinalawak pa na mga programa upang suportahan ang mga magsasaka sa ating bansa,” saad pa ni Romualdez.