Romualdez naghahanda na sa parating na La Niña

Nakatutok si House Speaker Martin Romualdez sa posibleng maging epekto ng La Niña sa bansa.

Nakatutok si House Speaker Martin Romualdez sa posibleng maging epekto ng La Niña sa bansa.

Makikipagtulungan si Romualdez sa ilang ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para makapaghanda sa matinding pag-ulan na nagbabadya sa mga susunod na buwan.

“Seryoso nating pinaghahandaan ang pagdating ng La Niña bago pa man ito maka-apekto sa ating bansa. Itinaas na ng PAGASA ang alarma kung kaya mahalaga ang ating pagkakaisa at agarang aksyon upang maprotektahan ang ating mga komunidad sa posibleng pagbaha,” saad ni Romualdez.

“Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DPWH, DENR, DILG, at MMDA, at siyempre ng ating mga local government official, atin pong pinalalakas ang ating mga hakbang sa paghahanda at pag-iwas sa mga sakuna upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.

Ayon kay Romualdez, ilan sa mga bibigyang prayoridad sa paghahanda ay ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig at kuryente, pampublikong kalusugan at kaligtasan, mobilidad, at interconnectivity.

“Kailangang mahigpit ang ugnayan ng national government at mga local government unit para maipatupad ang mga aksyon sa malawakang paghahanda na gagawin natin.” ani Speaker Romualdez.

Hinimok din ni Romualdez ang publiko na makiisa sa ginagawang paghahanda ng pamahalaan sa La Niña.

“Hihingin din natin ang pakikipagtulungan ang mga komunidad at lahat ng mamamayan sa paghahandang gagawin natin. Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang pagkakaisa para maiwasan ang sakuna at masamang epekto na dala ng La Niña,” aniya pa.