Romualdez inilatag kahalagahan ng pag-aaral ng panitikan

Nakiisa si House Speaker Martin Romualdez sa paggunita sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Filipino.

Nakiisa si House Speaker Martin Romualdez sa paggunita sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Filipino.

Ibinida ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa isang Facebook post ang mensahe ni Romualdez para sa naturang okasyon.

Sa kanyang pahayag, hinikayat ng House Speaker ang publiko na maglaan ng oras upang pag-aralan ang panitikan ng bansa.

“Ang pag-aaral at pagpapahalaga sa panitikan ay makapagbibigay-daan sa atin na mas maunawaan ang kalikasan ng kapayapaan at ang mga isyung bumabalot sa ating lipunan,” aniya.

“Sa pamamagitan ng mga likhang panitikan, mabibigyan tayo ng pagkakataon na magkaroon ng malalim na talakayan at palitan ng mga ideya tungkol sa kapayapaan. Ang mga akda ay maaaring maging daan para sa diyalogo, pagkakaunawaan, at pagkakaisa,” dugtong pa ni Romualdez.

“Kaya’t sa pagdiriwang ng ikasiyam na taon ng Buwan ng Panitikan, ating pagnilayan ang mga aral at inspirasyon na hatid ng ating tungkol sa kapayapaan. Gamitin natin ang mga kuwentong nakasulat sa pahina ng ating mga aklat upang magsilbing gabay sa pagbangon at pagpapalaganap ng kapayapaan sa ating lipunan,” dagdag pa niya.

Ayon sa Official Gazette, idineklara ang Abril bilang Buwan ng Panitikang Filipino sa bisa ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015. Layunin nito na ipagdiwang ang mga akdang pampanitikan na gawa ng mga anak ng masalimuot na kasaysayan ng bansa.