Romualdez aayudahan naulila ng mga sundalong napaslang ng Maute

Magpapaabot ng tulong pinansyal si House Speaker Martin Romualdez sa mga sundalong nasawi at nasugatan sa engkwentro kontra Dawlah Islamiyah-Maute noong February 18.

Magpapaabot ng tulong pinansyal si House Speaker Martin Romualdez sa mga sundalong nasawi at nasugatan sa engkwentro kontra Dawlah Islamiyah-Maute noong February 18.

Inutusan si Romualdez ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang tulong ang anim na sundalong nasawi at apat na nasugatan sa Lanao del Norte.

“Nais kong magbigay pugay sa ating magigiting at matatapang na sundalo na nakipaglaban sa isang engkwentro sa Lanao del Norte. As instructed by President Ferdinand R. Marcos, Jr. at bilang pasasalamat sa serbisyo at sakripisyo ng apat na sugatan at anim na nasawing mga bayani, tayo’y magbibigay ng cash assistance, educational at livelihood assistance para sa kanilang mga pamilya at mga anak,” wika ni Romualdez.

“Ginawa nila ito para gampanan ang tungkulin na sa pagpapanatili ng ating pambansang seguridad at kapayapaan,”aniya pa,

Nangyari ang engkwentro sa Brgy. Ramain sa Munai, Lanao del Norte nang atakehin ng 44th Infantry Battalion ang mga miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute group.

Kinilala ni Romualdez ang kabayanihan ng mga nasawi at nasugatang sundalo.

“Sama-sama nating parangalan ang mga sakripisyo ng ating mga sundalo at ipangako na ipagpatuloy ang ating walang humpay na suporta para sa kanila,” wika ng lider ng Kamara.