Robin Padilla basag kay Xian Gaza: ‘Isang protektor ng kriminal’

Binanatan ng social media influencer na si Christian Albert "Xian" Gaza si Senador Robinhood Padilla kaugnay ng pagtatanggol nito kay Pastor Apollo Quiboloy.

Binanatan ng social media influencer na si Christian Albert “Xian” Gaza si Senador Robinhood Padilla kaugnay ng pagtatanggol nito kay Pastor Apollo Quiboloy.

Sa kanyang Facebook post ngayong Lunes, kinondena ni Gaza ang pagtawag ni Padilla kay Quiboloy na “bayani.”

“Hindi po biktima si Quiboloy. Siya po ang maraming biktima kaya po patung-patong ang kaso niya sa Estados Unidos and Wanted by the FBI,” saad ni Gaza.

“Kung siya po ay isang hero dahil nilabanan niya ang NPA, siya naman po ay isang child rapist dahil inabuso niya ang maraming menor de edad na miyembro ng kanyang Simbahan.”

“Hindi porke mabuti siya sayo eh mabuti na siya sa lahat,” dugtong pa ng social media influencer.

Tinawag rin ni Gaza si Padila na “nagbubulag-bulagan” at isang “protektor ng kriminal.”

“Kung ikaw po ay nagbubulag-bulagan dahil gusto mo pong protektahan ang iyong kaibigan, ini-invalidate mo po yung mapapait na karanasan ng mga biktima niya,” dagdag pa ni Gaza. “Paano ka po namin titignan as a leader kung inuuna mo po yung kapakanan ng kaibigan mo kaysa kapakanan ng iyong mamamayan?”

“Ang tingin po namin sayo ngayon ay isang senator na protektor ng kriminal,” aniya pa.

Si Padilla ay isa sa mga senador na todo-tanggol kay Quiboloy sa kabila ng kaliwa’t-kanang reklamo laban sa pastor.