Robin Padilla ayaw imbestigahan Duterte-China gentleman’s agreement

Kung si Senador Robin Padilla ang tatanungin, hindi na dapat umabot sa Senate investigation ang tungkol sa 'gentleman's agreement' ni ex-President Rodrigo Duterte sa China.

Kung si Senador Robin Padilla ang tatanungin, hindi na dapat umabot sa Senate investigation ang tungkol sa ‘gentleman’s agreement’ ni ex-President Rodrigo Duterte sa China.

Aniya, masyadong sensitibo ang naturang issue na kinasasangkutan ni Duterte pati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Aniya, mas magandang sina PBBM at Duterte na lang ang mag-usap tungkol sa naturang kasunduan sa China.

“‘Yung mga bagay na palagay ko may kinalaman sa national security natin, ‘di na siguro kailangan pang idaan pa sa public hearing,” wika ni Padilla.

“Dapat siguro, pag usapan na lang ng dalawang Pangulo natin yan nang silang dalawa lang,” aniya pa.

Ayon pa kay Padilla, maganda na magkaroon ng statement sina Duterte at Marcos tungkol sa issue para makita ang unity sa pagitan ng dalawang kampo.

Matatandaan na naghain ng resolusyon si Senadora Risa Hontiveros para dalhin sa Senado ang tungkol sa gentleman’s agreement ni Duterte at ng China patungkol sa West Philippine Sea.