Road rage nanaman? Pulis, kalaboso dahil sa pagbabanta gamit ang baril

Kulong ang pulis matapos diumano'y pagbabanta nito sa isang lalaki gamit ang kanyang baril matapos silang masangkot sa isang insidente.

Nasakote ang isang pulis na naka-assign sa Headquarters Support Service of the Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame dahil diumano sa pagbabanta niya sa isang indibidwal gamit ang kaniyang baril.

Dinala si Pat. Ulyses Ramon Norbe sa Talipapa Police Station ng Quezon City Police District matapos ang insidenteng nangyari sa Barangay Tandang Sora noong gabi ng Huwebes, Setyembre 14.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, isang concerned citizen ang nakita umano si Norbe na may kaalitang lalaki na hindi pa pinapangalanan sa kanto ng Mindanao Avenue at Tandang Sora Avenue. Itinawag ang insidente sa Hotline 122, at agad namang inaresto si Norbe. Kinumpiska rin ang kanyang 9mm pistol.

Kaugnay nito, inanunsiyo ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa isang press briefing na nakakaharap si Norbe ng mga kasong grave threat at alarm and scandal.

“In all the cases in which police officers are involved, we are not condoning these acts,” pagtitiyak ni Acorda.