Rightsizing yarn! Pangangasiwa sa DAP, nilipat na patungong NEDA

Suporta sa rightsizing policy ng gobyerno ang paglilipat ng Development Academy of the Philippines (DAP) mula sa Office of the President papuntang National Economic and Development Authority (NEDA), ayon sa Palasyo.

Inilipat na ng Palasyo ang Development Academy of the Philippines (DAP) mula sa Office of the President papuntang National Economic and Development Authority (NEDA) bilang bahagi ng rightsizing policy nito.

Sa bisa ng Executive Order (EO) No. 45, na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kailangan ng malakas na ugnayan ang NEDA at DAP upang mapatupad nito ang kanilang mandato na palakasin ang mga human resource development programs, research, at training tungkol sa socioeconomic agenda ng national government.

“Pursuant to the rightsizing policy of the national government, it is imperative to streamline and rationalize the functional relationships of agencies with complementary mandates to promote coordination, efficiency, and organizational coherence in the bureaucracy,” ayon sa EO.

Nilikha ang DAP para isulong at suportahan ang mga development efforts ng bansa sa pamamagitan ng mga training at human resource programs para sa mga manggagawa sa gobyerno.

Ang NEDA naman ang pangunahing ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa paglatag ng mga socioeconomic programs ng gobyerno para sa mga mamamayan.