Ricky Lee sa mga miron: Easy, easy lang sa paghawi

Pinaalalahanan ng National Artist for Film and Broadcast Ricky Lee na malayo ang nararating ng kaunting kabutihan matapos makita sa video ang paghawi sa kanya ng security na nagbabantay kay dating Miss Universe Pia Wurtzbach sa isang event kamakailan

Nagsalita na si National Artist for Film and Broadcast Ricky Lee tungkol sa viral video kung saan tila hindi siya pinansin at parang hinawi pa ng security guard ni dating Miss Universe Pia Wurtzbach sa naganap na Manila International Book Fair 2023.

“Siguro ‘yung guwardiya could have been more gracious. Hindi ko iisipin ang sarili ko. Iisipin ko ‘yung ibang tao ‘yan,” sabi ni Lee sa isang panayam sa PEP.

Ayon kay Lee, respeto sa tao muna ang dapat umiral una’t sapat.

“Hindi kinakailangan na senior or hindi kinakailangang National Artist. Pero kung may taong nilapitan din ni Pia, kinamayan pa ni Pia, respetuhin niya [guard] ‘yung tao at si Pia, kasi kilala ni Pia,” paliwanag pa ni Lee.

Sinabi rin ni Lee na naging impolite rin ang natuang guwardiya kay Wurtzbach mismo, dahil pinansin naman niya si Lee.

“I think medyo naging rude ‘yung guwardiya. Again, ulitin ko, hindi dahil senior citizen, hindi dahil National Artist. I think maski na sinong tao, maski na bata o estudyante, kung in-acknowledge ni Pia, kinausap at pinasalamatan, huwag niyang itaboy. ‘Yun ang punto ko,” mariin pang sinabi ni Lee.

Pakiusap na lang ng batikang direktor, dapat maging considerate ang mga tao sa isa’t isa.