Rice traders group, nangakong tutulong sa gobyerno para panatilihin ang murang bigas

Nangako ang isang samahan ng mga rice traders kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makikipagtulungan ito sa gobyerno upang siguruhin na may access ang mamimili sa mura at dekalidad na bigas.

Nangako ang isang samahan ng mga rice traders kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makikipagtulungan ito sa gobyerno upang siguruhin na may access ang mamimili sa mura at dekalidad na bigas.

Sa isang pahayag, sinabi ng kinatawan ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) na handa ang kanilang hanay na sumunod sa takdang presyo ng bigas sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 39, na nilagdaan ng Pangulo noong nakalipas na araw.

“Sa kabila po nito ay patuloy pa rin po kaming nakikiusap, at nakikipag-usap rather, at in partnership with the President and the government, together with the DA, at ang ating pamahalaan. Ang gusto po natin ay magkaroon ng maayos na bigas sa ating pamilihan, na mabigyan po natin ng tamang presyo, na kung ano po ‘yung hinihiling sa atin,” ani PRISM lead convenor Rowena Sadicon.

“Maaari pong hindi maintindihan ng lahat sa simula pero eventually po sa sama-samang pagtutulong ng ating mga kasamahan sa industriya ng bigas ay mapapagtagumpayan din po lahat ito at maihahain po natin sa ating mga consumers ang ating murang bigas, na ito po ang layunin ng ating Pangulo,” dagdag pa niya.

Inamin ni Sadicon na bagama’t may mga kasamahan siya sa industriya na tutol sa layunin ng EO, alam niya na saklaw ng kapangyarihan ito ng Pangulo. Umaasa si Sadicon na mas mauunawaan ito ng kanilang hanay sa kalaunan.

“Ito po ay sana po masundan po ng ating mga stakeholders at maintindihan din nila. Maraming salamat po sa pagkakataong ito na pinakinggan n’yo rin kami at mapakinggan din po namin kung ano ang dahilan ng ating Presidente sa pagbigay ng executive order na ito. At andito po ang PRISM na patuloy na tutulong sa inyo,” aniya.

Umaasa si Sadicon na magiging stable ang presyo ng palay sa bansa pagpasok ng harvest season.