Rice is life’ no more? DOH: Kamote, mais, magandang alternatibo sa kanin

Kahit na ‘rice is life’ ang karamihan sa mga Pinoy, maaaring pa rin kumain ng kamote o mais bilang alternatibo sa kainin, ayon sa isang opisyal ng Department of Health.

Muling pinaalalahanan ang publiko na mayroon pang mga alternatibo sa kanin na maaaring kainin na tutumbas sa caloric requirement ng isang tao, ayon sa isang opisyal ng Department of Health.

Ayon kay Undersecretary Enrique Tayag, maaaring magsilbing alternative sa kanin ang kamote at mais upang magkaroon ng “rotation to basic food requirements.”

“Some Filipinos have gotten used to eating other [staple] food other than rice,” ani Tayag sa isang pulong balitaan.

Hindi dapat magsakripisyo ang nutrisyon ng isang tao dahil lamang sa usapin ng presyo at supply ng pagkain, paliwanag pa ni Tayag, na tagapagsalita ng kagawaran.

Mahalaga pa rin ang pag-maintain ng “balanced diet” na may diin sa pagkain ng gulay at prutas na mas masustansya. Kadalasan kasing mas maraming kanin ang kinakain ng karaniwang Pilipino, ayon sa opisyal.

Noong nakalipas na taon, hinikayat ni Iloilo Rep. Janette Garin ang agresibong pag-promote sa kamote bilang alternative sa kanin matapos makaranas ang bansa ng paghigpit sa supply ng bigas dahil sa lubhang pagbagsak ng produksyon.

Samantala, hinikayat naman ng Philippine Rice Research Institute ang pagkain ng cassava at saging bilang mga alternatibo sa bigas.