Retrofitting ng Guadalupe Bridge tuloy na tuloy na!

Puspusan na ang paghahanda ng Department of Public Works and Highways o DPWH para sa nakatakdang retrofitting ng Guadalupe Bridge sa Makati City.

Puspusan na ang paghahanda ng Department of Public Works and Highways o DPWH para sa nakatakdang retrofitting ng Guadalupe Bridge sa Makati City.

Sa Build Better More Forum sa New Clark City, sinabi ni DPWH Usec. Maria Catalina Cabral na posibleng umpisahan na ang pagsasaayos sa naturang tulay, sa huling bahagi ng 2024 o sa unang bahagi ng 2025.

Sa kabila nito tiniyak ng opisyal na hindi nila gagalawin ang tulay hanggat hindi natatapos ang expansion sa outer bridge o ang alternative lane para may madaanan pa rin ang mga motorista.

“Hindi namin gagalawin ang EDSA hangga’t hindi namin naitatayo iyong expansion of both lanes para mayroong additional carrying capacity before we even touch the bridge in Guadalupe” ayon sa opisyal.

Binigyang diin naman ni Cabral na limampung taon na ang tanda ng Guada bridge kaya hindi pwedeng maantala ang pagsasaayos dito, lalo’t bahagi ito ng paghahanda nila para sa The Big One.

“Bear with us because you do not want to be stuck in the Guadalupe bridge when an earthquake happens. JICA study said that the West Valley Point is due anytime, to emit an energy equivalent to a magnitude 7 earthquake,” ayon kay Cabral.

Samantala nakikipag ugnayan na ang DPWH sa MMDA para sa ilalatag na traffic management plan para mapag aralan papaano maibsan ang epektong maidudulot nito sa mga motorista.