Rep. Co: Malinis na intensyon ng AKAP huwag dungisan

Ang mga construction worker, factory worker, grab driver, food service crew, at iba pang manggagawa na katulad nito na kumikita ng hindi hihigit sa P23,000 kada buwan ang matutulungan sa programa.

Mariing itinanggi ni House Committee on Appropriations chairperson at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co ang alegasyon ni Senator Imee Marcos na gagamitin sa pagsusulong ng charter change ang pondo sa Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) Program.

Ang naturang programa ay laan para sa pamilya na hindi saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Pero paglilinaw ni Co na malabo itong magamit sa chacha dahil ang pondo sa programa ay idadaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Dinudungisan po ni Senador Imee Marcos ang malinis na intensyon ng AKAP na tulungan ang mga kababayan nating may trabaho ngunit kapos ang kita,” sinabi ni Co.

Dagdag pa ni Rep. Co na ang mga construction worker, factory worker, grab driver, food service crew, at iba pang manggagawa na katulad nito na kumikita ng hindi hihigit sa P23,000 kada buwan ang matutulungan sa programa.

“Taumbayan na po ang bahalang humusga sa kanyang pamumulitika sa isang programang pantulong sa mahirap,” giit ng mambabatas.

Tiniyak ni Co na walang basehan ang mga alegasyon ni Sen. Marcos at ang implementasyon aniya ng AKAP ay nakasaad sa 2024 General Appropriations Act.

“Congress stands by its commitment to enhance government support for Filipinos, particularly those impacted by the economic challenges posed by global inflation and ongoing geopolitical tensions,” saad pa ni Co.

Ang programa ay inanunsiyo ng Kamara noong Nobyembre 2023 kung saan pagkakalooban ng one-time P5,000 cash assistance ang mga benepisyaryo na apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin o pagtaas ng inflation.

Pinaglaanan ito ng hindi bababa sa P50-bilyon na nakapaloob sa 2024 General Appropriations Act.