Registration sa lifeline rate program na magbibigay ng subsidy sa kuryente sa mga 4Ps benepisyaryo, pinalawig pa

Pinayagan ng mga ahensya ng gobyerno na i-extend pa ang registration ng mga 4Ps benepisyaryo na kwalipikado sa murang kuryente sa ilalim ng lifeline rate program

Pinalawig pa ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang registration ng mga benipisyaryo sa lifeline rate program hanggang sa susunod na taon.

Sa anunsyo ng tatlong ahensya, nagpasya sila na i-urong pa ang pagpapatupad ng bagong lifeline rate program sa Enero 2024.

“Starting 1 January 2024, only those who have approved applications shall be entitled to avail of the subsidy provided under the Lifeline Rate Program,” the advisory read.

Ayon sa mga ahensya, na-obserbahan nila na patuloy ang pagdami sa mga kwalipikadong mga sambahayan na nagrerehistro para sa programa.

Sinabi ng DOE na lumobo sa 47,171 na kabahayan ang nagrehistro sa programa noong Agosto 30, mula sa 1,816 na nagrehistro sa programa noong Hulyo 10.

Hinikayat ng mga ahensya na ipagpatuloy pa ang pag-promote sa lifeline rate program upang maraming mahirap ang makaalam sa programa.

“All distribution utilities (DUs) are directed to exert more aggressive promotion efforts to disseminate information on the Lifeline Rate Program and to continue processing and accepting applications,” ayon sa pahayag.

Bahagi ang subsidy sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11552, na nagpahapa pa sa implementasyon ng lifeline rate program na itinakda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Pinalawig ng batas ang lifeline rate program ng karagdagang 50 na taon.