Refund agad-agad sa palpak na serbisyo! Pasado na sa Kamara ang panukalang batas na gagawa ng refund mechanism sa serbisyong palpak ng telco – Romualdez

Aprubado na sa Kamara ang House Bill No. 9021 o ang "Refund for Internet and Telecommunications Services Outages and Disruptions Act."

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na lilikha ng mekanismo para ma-refund sa mga customer sakaling magkaroon ng aberya sa internet o telecommunications services.

Bumoto ang 278 na mambabatas sa ikatlo at huling pagbasa ng House Bill No. 9021 o ang “Refund for Internet and Telecommunications Services Outages and Disruptions Act.”

“Stable Internet is tantamount to a basic human right nowadays given its many applications that make life easier. And since this is paid service, getting a refund for service failure is only just,” ani House Speaker Martin Romualdez, sa isang pahayag.

Kapag naging ganap na batas, mamandatohan ang mga public telecommunications entities (PTEs), maging ang mga internet service providers na gumawa ng mekanismo na magbabalik ng refund sa mga customer, o gagawa ng mga adjustment sa bill ng subscriber na apektado sa service outage mula 24 oras o sa loob ng isang buwan.

“This proposed law will cover all PTEs and ISPs in country,” dagdag pa ni Romualdez.

Pagmumultahin ang mga matutukoy na lalabag sa batas ng P50,000 hanggang P200,000 sa bawat paglabag.