Ramdam dapat nang lahat: Pagsugpo sa kahirapan, posible sa ‘catch-up plan’ ni PBBM

Isa sa mga dahilan kung bakit umaangat ang ekonomiya ay ang mabilis na pagbangon ng labor market ng bansa matapos ang pandemic dahil na rin sa angking galing ng manggagawang Pilipino.

Tiwala ang National Economic and Development Authority (NEDA) na ibababa pa ng gobyerno ang poverty nang mas mababa sa 10% hanggang 2028, na huling termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ay dahil sa catch-up plan ng pangulo na layo palaguin pa ang ekonomiya ng Pilipinas at siguraduhing ramdam ito ng mas nakararami.

“Yeah. Tingin namin kasi blip talaga iyong 2021 dahil nga sa COVID,” sagot ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon kung kaya ng pamahalaan na ibaba sa 9% ang poverty rate sa bansa. “So, nakita naman na rin natin iyong parang what worked before and that was really kailangan mo talaga ng economic growth and then make sure na itaas mo iyong inclusiveness of the growth.”

Ayon rin kay Edillon, mabilis ring naka-recover ang labor market ng bansa matapos ang pandemic dahil na rin sa angking galing ng manggagawang Pilipino.

Malaking bagay rin aniya ang paglago ng ekonomiya ng iba’t-ibang rehiyon, gaya ng Central Visayas at Northern Mindanao, na nagsisimula nang magbahagi ng malaking kontribusyon sa gross domestic product ng bansa kasama ang Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.