Quiboloy sasaklolohan! Imee pumanig kay Robin Padilla

Nakahanap ng kakampi si Senador Robin Padilla pagdating sa pagkontra sa pagkakaaresto kay Pastor Apollo Quiboloy, sa katauhan ni Senadora Imee Marcos.

Nakahanap ng kakampi si Senador Robin Padilla pagdating sa pagkontra sa pagkakaaresto kay Pastor Apollo Quiboloy, sa katauhan ni Senadora Imee Marcos.

Ayon kay Imee, nag-usap na sila ni Padilla upang pagsumikapan na makakuha ng sapat na pirma upang makontra ang pag-cite for contempt kay Quiboloy.

“Nagkasundo kagabi na kami na pipirma kami para ipaatras itong contempt order,” saad ni Imee. “Kasi parang hindi naman siya tama at palagay ko, sasamahan kami ng iba pa naming grupo — si Senator [Bong] Go, palagay ko, no. Senator Cynthia, ako.”

Pinaliwanag pa ni Imee ang dahilan ng pagpanig niya kay Quiboloy.

“Ayaw naman natin na kinukuyog ang mga tao. They have rights to due process. They have a right to defend themselves against self incrimination. E bakit hindi naman kinikilala?” aniya.

“Yung ibang akusasyon ay napakatagal na. Bakit ngayon lang lumilitaw nang sabay-sabay? Baka naman may nasa likod ng lahat ng ito,” dagdag pa niya.

Nitong Martes ay ipinag-utos ni Senadora Risa Hontiveros na ipaaresto si Quiboloy dahil sa pag-isnab nito sa subpoena ng Senado. Tinutulan naman ito ni Padilla.

Sa ngayon ay nangangalap si Padilla ng walong pirma upang matagumpay na maharang ang pagkakaaresto ng pastor.