Pwersa ng militar, hindi kinaya ng maliit na tropa ng terorista sa Camarines Sur

Na-rekober ng mga awtoridad ang iba’t ibang klaseng armas, granada, bala at mga dokumento sa mga rebeldeng tumakas matapos ang enkwentro.

CAMARINES SUR – Nasamsam ng mga miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pangnguna ng 83rd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army ang isang Bandoiler, Rifle grenade, mga magazine, at ilang dokumento.

Ito ay matapos ang nangyaring engkwentro ng mga miyembro ng militar at hindi bababa sa 15 miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa isang bundok na sakop ng Barangay Agay-ayan, Tinambac, Camarines Sur, alas-10:30 ng umaga nitong Martes, Oktubre 10.

Nagtagal ng 15 minuto ang naging palitan ng putok ng magkabilang grupo kung saan wala namang nasaktan sa hanay ng gobierno habang inaalam pa kung may nasugatan sa panig ng mga rebelde.

Matapos ang insidente, agad namang rumesponde ang Quick Reaction Team ng 83rd IB katuwang ang Tinambac Municipal Police Station (MPS) upang tiyakin ang seguridad sa lugar.

Kasabay nito, nagpasalamat naman ang Philippine Army sa mga residente sa patuloy na pakikipagtulungan kapag mayroong presensya ng rebeldeng grupong patuloy na nanggugulo sa kanilang lugar.

Malugod din nilang tatanggapin ang sino mang rebeldeng susuko at handang sumailalim sa Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na makakatulong sa kanilang pagbabagong buhay.