Push pa more para sa maliliit na negosyo! P783 milyon inilaan ni PBBM para palaguin ang MSMEs – DBM

Todo-buhos ang suporta ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga micro, small, and medium enterprises (MSME), na nais bigyan ng P783 milyong pondo para sa mga program anito sa susunod na taon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Humihingi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng P783 milyon para isulong ang paglago ng mga micro, small, and medium enterprises (MSME) upang lalo pang bumuhos ang mamumuhunan rito at lumikha ng trabaho, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Kapag na-aprubahan ng Kongreso, ilalagay ang pondo sa ilalim ng MSME Development Program ng Department of Trade and Industry (DTI), ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Makakatulong ang pondo para sa epektibong pagpapatupad ng iba’t ibang mga programa at polisiya para isulong ang pagpapalago ng mga MSMEs sa bansa.

Mapupunta sa digitalization program para sa mga MSMEs ang P100 milyon para isulong ang kaalaman at bigyan ng oportunidad palawakin ang kanilang mga merkado sa pamamagitan ng digitalization, paliwanag ni Pangandaman.

Gagamitin ring ng gobyerno ang P454 milyon para pondohan ang mga pagtataguyod ng Negosyo Centers, na nakikitang maghihikayat sa mga MSMEs na magnegosyo, isulong ang mga gawang lokal na produkto at dagdagan pa ang kakayahan ng mga maliliit na negosyante.

Popondohan rin ang pagtatayo ng mga Shared Service Facilities ng P579 milyon, at ang One Town, One Product Next Generation Project ng P76 milyon, ayon sa kalihim.

Samantala, inaasahang 40,000 MSMEs ang maaaring magbenepisyo sa Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso (P3) Program of the Small Business Corp., na may panukalang budget na P1.5 bilyon.

“The said initiative aims to provide viable alternative financing options to micro-entrepreneurs while ensuring accessibility and sustainability in their pursuit of growth and progress,” ani Pangandaman.

Determinado si Pangandaman na isulong ang kapakanan ng mga MSME na tinawag niyang “building blocks of our country’s economy.”

“And so following the directive of President Bongbong Marcos, we will help attract more investments and create more jobs by promoting more competitive and innovative industries, particularly among the MSMEs,” aniya.