Punta ka, Sir! Ambassador ng Canada, kinumpirmang imbitado si PBBM sa Canada para sa isang state visit

May “huge business delegation” mula Canada na darating sa Pilipinas sa Marso 2024 bago ang nakatakdang state visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Canada, sa imbitasyon na rin ng Prime Minister nitong si Justin Trudeau.

Kinumpirma ni Canadian Ambassador David Bruce Hartman na inimbitahan ni Prime Minister Justin Trudeau si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumisita sa Canada.

Sinabi ito ni Hartman kay Mike Toledo, na director of government and public affairs ng Metro Pacific Investments Corp., head ng MVP Group media bureau, at chief operating officer ng Silangan Mindanao Mining Company Inc.

Unang iniulat ng Presidential Communications Office (PCO) noong pang Setyembre ang pag-imbita ni Trudeau kay Marcos para sa isang state visit sa Canada.

Bago iyan, sinabi ni Hartman kay Toledo na may “huge business delegation” mula Canada na darating sa Pilipinas sa Marso 2024. Tinalakay rin ng dalawa ang industriya ng pagmimina sa bansa, pati na rin ang mga larangan kung saan pwedeng magtulungan ang Canada at Pilipinas.

Sa parehong meeting ay pinapurihan rin ni Hartman ang gobyernong Marcos.